Mahalagang talakayin ang buhay ni Recto sapagkat isa siya sa mga natatanging tao na hindi na kailanman natin muli nakita sa ating bayan. Isa siya sa mga taong nagbago kasabay ng panahon, ngunit hindi kinalimutan ang mga bagay na mahalaga para sa kaniya. Alam niya kung ano ang nararapat para sa ating bayan at pilit niyang ipinaglaban ang mga ito. Hindi natin maipagkakaila na mayroong mga pagkukulang din si Recto, ngunit sinubukan niyang baguhin ang kaniyang sarili sa puntong bumalik siya sa kanyang mga pangarap at hangarin noong kabataan, at tinupad niya ang mga ito. Isa siya sa mga natatanging tao sa ating kasaysayan na ipinaglaban ang nasyonalismo ng sa lahat ng kaniyang makakaya. Sa pag susuri at pag-aaral ng kaniyang buhay, sa mga sinulat, pananaw, makikita natin ang isang tunay na Pilipino, isang Pilipinong nakalimutan na ng panahon, isang Pilipinong ngayon higit sa ibang panahon ay tunay na kailangan natin. Suriin natin ang buhay ni Claro M. Recto, upang maaninagan natin kahit mula sa malayo ang mga katangian ng isang tunay na Pilipino. at kahit papaano, makita natin kung ano ang kinakailangan para makabuo at maging isang tunay na Pilipino.