Isinilang ni Claro Recto Sr. at Micaela Mayo si Claro M. Recto Jr. noong Pebrero 8, 1890 sa Tiaong, Tayabas, ngayong mas kilala na sa tawag na Quezon
Province. Bagama’t sa bayan ng Quezon ipinanganak si Claro M. Recto, siya’y lumaki rin sa bayan ng Lipa, Batangas. Mayaman at may kaya ang parehong magulang
ni Claro M. Recto.
Isa si Claro M. Recto sa mga respetadong manunulat noong kaniyang panahon. Ayon sa mga historyador, ang panunulat ni Recto ay pawang nangungusap lamang sa mambabasa. Ang kanya namang mga talumpati ay gumagamit ng mga malalamang salita na may halong drama at kilos ng mga kamay.
Makikita rin na ang istruktura ng kaniyang mga talumpati ay may porma. Sa komentaryo sa aklat na 20 Speeches that Moved the Nation (Mga Piling Talumpati ni Manuel L. Quezon III), sinasabing ang kaniyang mga isinulat ay ikinumpara sa kaayusan at disiplina ng mga nagmamartsang batalyon ng sundalo – may isang pormang handa sa kahit anumang atakeng maaaring dumating.
Isa sa mga obrang talumpati ni Recto ay pinamagatang “Our Lingering Colonial Complex.”Dito makikita ang pinaghalu-halong estilo niya sa pagsusulat: may malisya, mapanuyang, patalikod na pagatake ngunit nakakatawa. Tinatalakay rin niya ang hindi matinag na korupsyong nangyayari sa Pilipinas, ang kolonyal na mentalidad at ang pagiging sarado ng isipan ng mga Pilipino.
Sa pagdaan ng panahon, lalo na ng pagiging bahagi ni Recto sa Supreme Court at sa senado, unti-unting makikita ang tuluyang pagbabago ng kaniyang mga talumpati. Dito ay makikita na natin ang kaniyang nasyonalismong hindi masyadong naramdaman sa mga naunang mga akda. Inilahad niya ang kaniyang mga pulitikal at ekonomikal na kritisismo kung kaya’t siya ay di-kalaunang nabansagan bilang isang delikadong anti-American.
Our Lingering Colonial Complex
Sa talumpating ito, makikita natin ang ilang mga temang naglalagom ng mga katangian ni Recto bilang isang mahalagang katauhan sa ating kasaysayan. Ilan sa mga ito ay ang…
Pag-atake sa administrasyon – kilala si Recto bilang isang kaaway ng partido Liberal nila Quirino. Sa pag-atakeng ito, makikita natin kung bakit unti-unting nagiging pro-American ang mga Pilipino sa pangunguna ng mga mismong pinuno ng bansa. Dito ay nagbigay siya ng kaniyang mga komento na hindi daw dapat maging pro-American ang kaisipan ng mga Pilipino dahil mas nararapat na magkaroon tayo ng kakayahang tumayo sa sariling mga paa.
Pagpapasalamat sa mga mamamahayag (mula sa mga manunulat sa La Solidaridad hanggang sa kasalukuyang panahon) dahil sila ang nagsisilbing instrumento, na tumutulong sa pagpapanatili ng mga natitirang nasyonalismo sa puso ng mga Pilipino…sa kabila ng kanilang pagsapi sa kaisipang Amerikano at ng tumataas na kolonyal na mentalidad.
Kagustuhan sa nag-aalab na nasyonalismo sa puso ng mga Pilipino – para kay Recto, ang tanging solusyon upang maibalik ang mga Pilipino ay ang pagkakaroon natin ng sariling pananaw. Bago dumating ang mga kolonista, tahimik ang buhay ng mga Pilipino. Ngunit dahil sa matagal na panahon ng pananakop ng mga dayuhan, mas pinili na ng mga Pilipinong pumanig at lalong umasa sa kanila, partikular na sa mga Amerikano. Gaya ng nabanggit kanina, unti-unting dumami ang mga pro-American at nais iparating ni Recto na dapat malabanan ang ganitong pag-iisip ng mga Pilipino upang maisulong ang pagkakaroon ng kalayaan.